Si Muḥammad, ang Sugo ni Allāh
Ang pananampalataya sa pagkasugo ni Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) ay ang ikalawang bahagi ng pangunahing haligi mula sa mga Haligi ng Islām at ang pangulong saligan na kinasalalayan ng gusali ng Islām.
Ang indibiduwal ay nagiging isang Muslim matapos na bumigkas ng pagsaksi sa dalawa: sasaksi siya na walang Diyos kundi si Allāh at sasaksi siya na si Muḥammad ay Sugo ni Allāh.
A. Kaya ano ang kahulugan ng Sugo? Sino si Muḥammad? Mayroon bang mga ibang sugo bukod sa kanya?
Ito ang tatangkain nating sagutin sa mga pahinang ito.
Ang sugo ay isang lalaking nasa pinakamataas na rurok ng katapatan ng pagsasalita at kagandahan ng mga kaasalan. Pinili siya ni Allāh mula sa mga tao saka kinasihan ng niloloob Nito na mga kautusan ng relihiyon at mga nauukol sa [kaalamang] nakalingid at inuutusan siya na magpaabot ng mga iyon sa mga tao. Kaya naman ang sugo ay isang tao, na ang kahalintulad niya ay ang kahalintulad ng lahat ng mga tao: kumakain siya kung paanong kumakain sila, umiinom siya kung paanong umiinom sila, at nangangailangan siya ng kinakailangan ng mga tao. Subalit siya ay natatangi sa kanila dahil sa pagkasi na dumarating sa kanya mula kay Allāh para magpatalos sa kanya ng niloloob ni Allāh mula sa mga nauukol sa [kaalamang] nakalingid at mga kautusan ng relihiyon na ipinaaabot niya sa mga tao, at natatangi sa kanila rin dahil sa pagsanggalang ni Allāh para sa kanya laban sa pagkakasadlak sa malalaki sa mga pagkakasala o alinmang bagay na makasisira sa pagpapaabot ng mensahe ni Allāh sa mga tao.
Magtatala tayo ng ilan sa mga kasaysayan ng mga naunang sugo bago ni Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) upang luminaw sa atin na ang mensahe ng mga sugo ay iisa, ang pag-aanyaya tungo sa pagsamba kay Allāh lamang. Magsisimula tayo sa paglalahad sa kasaysayan ng simula ng sangkatauhan at ng pangangaway ng demonyo sa ama ng tao na si Adan at sa mga supling nito.