B. Ang mga Ipinagbabawal at ang mga Sinasaway
Una: Ang Shirk: Ang pagbaling ng alinmang uri kabilang sa mga uri ng pagkamananamba sa iba pa kay Allāh (napakataas Siya).
Ito ay gaya ng sinumang nagpapatirapa sa iba pa kay Allāh o dumadalangin sa iba pa kay Allāh at humihiling doon ng pagtugon sa pangangailangan o nag-aalay ng mga pampalapit-loob kay Allāh o nag-uukol ng alinmang uri kabilang sa mga uri ng pagkamananamba sa iba pa kay Allāh, maging ang dinadalanginang ito ay isang buhay o isang patay o isang libingan o isang anito o isang bato o isang punong-kahoy o isang anghel o isang propeta o isang sinasanto (walīy) o isang hayop o iba pa roon. Lahat ng ito ay Shirk na hindi magpapatawad si Allāh (napakataas Siya) sa tao [na gumagawa nito] maliban na magbalik-loob siya at pumasok sa Islām muli.
Nagsabi si Allāh (napakataas Siya):
{Tunay na si Allāh ay hindi nagpapatawad na tambalan Siya at magpapatawad naman Siya sa anumang mababa pa roon sa sinumang loloobin Niya. Ang sinumang nagtatambal kay Allāh ay gumawa-gawa nga ng isang kasalanang sukdulan.}
(Qur’ān 4:48)
Kaya naman ang Muslim ay hindi sumasamba kundi kay Allāh (kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan), hindi dumadalangin kundi kay Allāh, at hindi nagpapasailalim kundi kay Allāh. Nagsabi si Allāh (napakataas Siya):
{Sabihin mo: “Tunay na ang dasal ko, ang pag-aalay ko, ang buhay ko, at ang kamatayan ko ay ukol kay Allāh, ang Panginoon ng mga nilalang –
walang katambal sa Kanya. Gayon nag-utos sa akin, at ako ay una sa mga Muslim.”}
(Qur’ān 6:162-163)
Kabilang sa Shirk din ang paniniwala na si Allāh ay may asawa o anak – napakataas si Allāh higit doon ayon sa kataasang malaki – o ang paniniwala na mayroong mga diyos na iba pa kay Allāh na namamatnugot sa kairalang ito.
{Kung sakaling sa mga [langit at lupa na] ito ay may mga diyos maliban kay Allāh, talaga sanang nasira ang mga ito. Kaya kaluwalhatian kay Allāh, ang Panginoon ng Trono, higit sa anumang inilalarawan nila.}
(Qur’ān 6:22)
Ikalawa: Ang Panggagaway, ang Panghuhula, at ang Pag-aangkin ng Kaalaman sa Nakalingid
Ang panggagaway (karunungang itim) at ang panghuhula ay kawalang-pananampalataya. Ang manggagaway ay hindi nagiging isang manggagaway malibang sa pamamagitan ng kaugnayan niya sa mga demonyo at pagsamba sa kanila bukod pa kay Allāh. Kaya dahil doon, hindi pinapayagan para sa Muslim ang pumunta sa mga manggagaway at hindi pinapayagan para sa kanya ang maniwala sa kanila sa anumang ipinangsisinungaling nila na pag-aangkin nila ng kaalaman sa nakalingid at sa anumang ipinababatid nila na mga pangyayari at mga pabatid na ipinagpapalagay nila ang pagkaganap ng mga ito sa hinaharap.
Nagsabi si Allāh (napakataas Siya):
{Sabihin mo: “Hindi nalalaman ng sinumang nasa mga langit at lupa ang nakalingid maliban kay Allāh,…”}
(Qur’ān 27:65)
Nagsabi pa Siya (kaluwalhatian sa Kanya):
{[Siya] ang Tagaalam sa nakalingid, saka hindi Siya naghahayag sa inilingid Niya sa isa man,
maliban sa sinumang kinalugdan Niya na isang sugo sapagkat tunay na Siya ay nagpapatahak mula sa harapan nito at mula sa likuran nito [ng mga anghel na nakatambang].}
(Qur’ān 72:26-27)
Ikatlo: Ang Kawalang-katarungan
Ang kawalang-katarungan ay malawak na pintuan na pumapasok dito ang marami sa mga gawain ng kasagwaan at mga katangiang pangit na umeepekto sa indibiduwal. Napaloloob dito ang kawalang-katarungan ng indibiduwal sa sarili niya, ang kawalang-katarungan niya sa sinumang nasa paligid niya, ang kawalang-katarungan niya sa lipunan niya, bagkus ang kawalang-katarungan niya sa mga kaaway niya. Nagsabi si Allāh (napakataas Siya):
{Huwag ngang mag-udyok sa inyo ang pagkasuklam sa ilang tao upang hindi kayo magmakatarungan. Magmakatarungan kayo; ito ay pinakamalapit sa pangingilag magkasala.}
(Qur’ān 5:8)
Nagpabatid nga sa atin si Allāh (napakataas Siya) na Siya ay hindi umiibig sa mga tagalabag sa katarungan. Nagsabi ang Sugo ni Allāh (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) na nagsabi si Allāh (napakataas Siya):
“O mga lingkod Ko, tunay na Ako ay nagbawal ng kawalang-katarungan sa sarili Ko at gumawa nito sa pagitan ninyo bilang ipinagbabawal kaya huwag kayong maglabagan sa katarungan.”[24]
Nagsabi pa siya (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan):
{“Mag-adya ka sa kapatid mo habang nang-aapi o inaapi.” Kaya may nagsabing isang lalaki: “O Sugo ni Allāh, mag-aadya ako sa kanya kapag siya ay inaapi. Kaya ano po sa tingin mo kapag siya ay naging nang-aapi, papaano akong mag-aadya sa kanya?” Nagsabi siya: “Hahadlang ka sa kanya – o pipigil ka sa kanya – sa pang-aapi sapagkat tunay na iyan ay pag-aadya sa kanya.”}[25]
[24] Nagtala nito si Imām Muslim, Aklat: Ang Pagsasamabuting-loob, ang Pakikipag-ugnayan, at ang mga Magandang Asal; Kabanata: Ang Pagbabawal sa Kawalang-katarungan (16/132).
[25] Nagtala nito si Imām Al-Bukhārīy, Aklat: Ang mga Kawalang-katarungan at ang pang-aagaw, Kabanata: Tumulong ka sa kapatid mo habang nang-aapi o naaapi: (3/168)
Ikaapat: Ang Pagpatay ng Tao na Ipinagbawal ni Allāh Malibang Ayon sa Karapatan
Ito ay isang mabigat na krimen sa Relihiyong Islām, na nagbanta si Allāh laban dito ng masakit na pagdurusa at naghanda para rito ng pinakamalupit sa mga kaparusahan sa Mundo. Iyon ay sa pamamagitan ng pagpatay sa pumatay maliban na magpaumanhin ang mga katangkilik ng pinatay. Nagsabi si Allāh (napakataas Siya):
{Alang-alang doon, nag-atas Kami sa mga anak ni Israel na ang sinumang pumatay sa isang tao nang hindi dahil [sa kabayaran] sa isang buhay o sa [paggawa ng] kaguluhan sa lupa ay para bang pumatay siya sa mga tao nang lahatan, at ang sinumang nagbigay-buhay rito ay para bang nagbigay-buhay siya sa mga tao nang lahatan. Talaga ngang naghatid sa kanila ang mga sugo Namin ng mga malinaw na patunay. Pagkatapos, tunay na marami mula sa kanila, matapos niyon, sa lupa ay talagang mga nagpapakalabis.}
(Qur’ān 5:32)
Nagsabi pa Siya (kaluwalhatian sa Kanya):
{Ang sinumang papatay sa isang mananampalataya nang sinasadya, ang ganti sa kanya ay Impiyerno bilang mananatili roon. Magagalit si Allāh sa kanya, susumpa sa kanya, at maghahanda sa kanya ng isang pagdurusang sukdulan.}
(Qur’ān 4:93)
Ikalima: Ang Paglabag sa mga Tao sa mga Ari-arian Nila
Maging sa pamamagitan ng pagnanakaw o pangangamkam o panunuhol o panggugulang o iba pa roon. Nagsabi si Allāh (napakataas Siya):
{Ang lalaking magnanakaw at ang babaing magnanakaw ay putulin ninyo ang mga kamay nila bilang ganti sa nakamit nilang dalawa, bilang parusang panghalimbawa mula kay Allāh. Si Allāh ay Makapangyarihan, Marunong.}
(Qur’ān 5:38)
Nagsabi pa Siya (kaluwalhatian sa Kanya):
{Huwag kayong kumain ng mga yaman ng iba sa inyo sa pagitan ninyo sa kabulaanan,…}
(Qur’ān 2:188)
Nagsabi pa Siya (kaluwalhatian sa Kanya):
{Tunay na ang mga kumakain ng mga yaman ng mga ulila dala ng paglabag sa katarungan ay kumakain lamang sa mga tiyan nila ng apoy at masusunog sila sa isang liyab.}
(Qur’ān 4:10)
Kaya naman ang Islām ay nakikidigma nang malakasan sa paglabag sa mga ari-arian ng mga ibang tao, nagpapaigting kaugnay roon, at naghahanda sa tagalabag ng mga kaparusahang marahas na tagasawata sa kanya at sa mga tulad niya na bumubulabog sa sistema at katiwasayan ng lipunan.
Ikaanim: Ang Pandaraya, ang Panlilinlang, at ang Kataksilan
Sa kalahatan ng mga transaksiyon gaya ng pagtitinda, pagbili, mga pakikipagkasunduan, at iba pa roon. Ang mga ito ay mga katangiang kapula-pula na sumaway ang Islām laban sa mga ito at nagbibigay-babala laban sa mga ito.
Nagsabi si Allāh (napakataas Siya):
{Kapighatian ay ukol sa mga tagapag-umit-umit,
na kapag nagpatakal sila sa mga tao ay nagpapalubos sila,
at kapag tumakal sila sa mga ito o tumimbang sila sa mga ito ay nanlulugi sila.
Hindi ba nakatiyak ang mga iyon na sila ay mga bubuhayin
para sa isang araw na sukdulan,
sa araw na tatayo ang mga tao sa [harap ng] Panginoon ng mga nilalang?}
(Qur’ān 83:1-6)
Nagsabi naman siya (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan):
“Ang sinumang nandaya sa atin ay hindi kabilang sa atin.”[26]
Nagsabi pa Siya (napakataas Siya):
{Tunay na si Allāh ay hindi umiibig sa sinumang mapagtaksil na makasalanan.}
(Qur’ān 4:107)
[26] Ang ḥadīth ay itinala ni Imām Muslim, Aklat: Ang Pananampalataya, Kabanata: Ang Sabi ng Propeta: “Ang Sinumang Nandaya ay Hindi Kabilang sa Atin.” (2/109)
Ikapito: Ang Paglabag sa mga Tao
Sa mga dangal nila sa pamamagitan ng pang-aalipusta, panlalait, panlilibak, paninirang-puri, inggit, kasagwaan ng pagpapalagay, paniniktik, panunuya, at iba pa roon. Nagsisigasig ang Islām sa pagpapanatili ng isang lipunang malinis na dalisay, na pinaghaharian ng pag-ibig, kapatiran, pagkakatugma, at pagtutulungan. Dahil doon, ito ay nakikipagtunggali nang may katindihan sa lahat ng mga karamdamang panlipunang nauuwi sa pagkakalansag ng lipunan at paglitaw ng alitan, pagkasuklam, at pagkamakasarili sa pagitan ng mga indibiduwal nito.
Nagsabi si Allāh (napakataas Siya):
{O mga sumampalataya, huwag manuya ang ilang lalaki sa ilang lalaki; baka ang mga [tinutuyang] ito ay higit na mabuti kaysa sa kanila [na nanunuya]. Huwag [manuya] ang ilang babae sa ilang babae; baka ang mga [tinutuyang] ito ay higit na mabuti sa kanila [na nanunuya]. Huwag kayong manuligsa sa isa’t isa sa inyo at huwag kayong magtawagan ng mga [masamang] taguri. Kay saklap bilang pangalan ang kasuwailan matapos ng pananampalataya. Ang sinumang hindi nagbalik-loob, ang mga iyon ay ang mga tagalabag sa katarungan.
O mga sumampalataya, umiwas kayo sa maraming pagpapalagay; tunay na ang ilan sa pagpapalagay ay kasalanan. Huwag kayong maniktik. Huwag manlibak ang ilan sa inyo ang iba pa. Iibigin ba ng isa sa inyo na kumain ng laman ng kapatid niya kapag patay na? Masusuklam kayo rito. Mangilag kayong magkasala kay Allāh. Tunay na si Allāh ay Palatanggap ng pagbabalik-loob, Maawain.}
(Qur’ān 49:11-12)
Nakikidigma rin ang Islām nang may katindihan sa diskriminasyong panlahi at pagtatanging pang-uri sa pagitan ng mga individuwal ng lipunan sapagkat ang lahat sa paningin ng Islām ay magkakapantay na walang kalamangan ang Arabe higit sa di-Arabe ni ang puti higit sa itim maliban sa dinadala ng isa sa kanila sa puso nito na pangrelihiyon at pangingilag magkasala. Nagtatagisan ang lahat sa isang pantay na saklaw sa mga gawaing maayos. Nagsabi si Allāh (napakataas Siya):
{O mga tao, tunay na Kami ay lumikha sa inyo mula sa isang lalaki at isang babae at gumawa sa inyo na mga bansa at mga lipi upang magkakilalahan kayo. Tunay na ang pinakamarangal sa inyo sa ganang kay Allāh ay ang pinakamapangilag magkasala sa inyo. Tunay na si Allāh ay Maalam, Mapagbatid.}
(Qur’ān 49:13)
Ikawalo: Ang Paglalaro ng Sugal – ang Pagpusta – ang Pag-inom ng Alak, at ang Paggamit ng Bawal na Gamot
Nagsabi si Allāh (napakataas Siya):
{O mga sumampalataya, ang alak, ang pagpusta, ang [pag-aalay sa] mga dambana, at [ang pagsasapalaran gamit] ang mga tagdan ng palaso ay kasalaulaan lamang kabilang sa gawain ng demonyo, kaya umiwas kayo rito, nang sa gayon kayo ay magtatagumpay.
Nagnanais lamang ang demonyo na magsadlak sa pagitan ninyo ng poot at suklam dahil sa alak at pagpusta, at humadlang sa inyo sa pag-alaala kay Allāh at sa pagdarasal, kaya kayo ba ay mga titigil?}
(Qur’ān 5:90-91)
Ikasiyam: Ang Pagkain ng Karne ng Hayop na Namatay na Hindi Nakatay at Karne ng Baboy
Ang lahat ng mga minamarumi na nakapipinsala sa tao at gayon din ang mga kinatay na inialay sa iba pa kay Allāh (napakataas Siya). Nagsabi si Allāh (napakataas Siya):
{O mga sumampalataya, kumain kayo mula sa mga kaaya-aya na itinustos sa inyo. Magpasalamat kayo kay Allāh, kung kayo ay sa Kanya sumasamba.
Ipinagbawal lamang sa inyo ang namatay, ang dugo, ang laman ng baboy, at ang anumang inialay sa iba pa kay Allāh; ngunit ang sinumang napilitan nang hindi lumalabag ni lumalampas ay walang kasalanan sa kanya. Tunay na si Allāh ay Mapagpatawad, Maawain.}
(Qur’ān 2:172-173)
Ikasampu: Ang Pagsasagawa ng Pangangalunya at Sodomiya na Gawain ng mga Kababayan ni Lot
Ang pangangalunya ay isang gawaing karima-rimarim na nagpapatiwali sa mga kaasalan at mga lipunan at isang tagapagdahilan ng pagkakalitu-lito sa mga kaangkanan, pagkapariwara ng mga pamilya, at pagkawala ng tumpak na pagpapalaki. Ang mga anak ng pangangalunya ay nakararamdam ng kapaitan ng krimen at pagkasuklam ng lipunan. Nagsabi si Allāh (napakataas Siya):
{Huwag kayong lumapit sa pangangalunya; tunay na ito ay laging mahalay at sumagwa bilang landas.}
(Qur’ān 17:32)
Ito ay isang kadahilanan ng paglaganap ng mga karamdamang seksuwal na tagawasak ng kairalan ng lipunan. Nagsabi ang Sugo ni Allāh (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan):
“Hindi lumaganap ang mahalay sa mga tao kailanman hanggang sa naghayag sila nito malibang kakalat sa kanila ang salot at ang mga karamdaman na hindi nangyari sa mga kanunuan nila.”[27]
[27] Nagtala nito si Imām Ibnu Mājah, Aklat: Ang mga Sigalot, Kabanata: Ang mga Kaparusahan (2/1333). Nagsabi tungkol dito si Shaykh Al-Albānīy isang magandang [ḥadīth ito]. Ṣaḥīḥ Ibnu Mājah (2/370).
Dahil doon, nag-utos ang Islām ng pagpinid ng lahat ng mga lusutang humahantong doon. Nag-utos ito sa mga Muslim ng pagbababa ng mga paningin nila dahil ang ipinagbabawal na tingin ay ang simula ng daan tungo sa pangangalunya. Nag-utos ito sa mga babae ng pagtatakip [ng katawan], pagbebelo, at kabinihan upang mapangalagaan ang lipunan laban sa kasamaan ng mga mahalay na gawain. Katapat nito, nag-utos ito ng pag-aasawa, humimok ito niyon, nagpaibig ito niyon, bagkus nangako ito ng pabuya at gantimpala pati na sa kasiyahang seksuwal na isinasagawa ng mag-asawa. Iyon ay upang may lumitaw na mga pamilyang marangal na mabini na kwalipikado upang maging mga matagumpay na kalingaan ng pag-aalaga ng paslit ng ngayon at [matinong] lalaki ng bukas.
Ang Ikalabing-isa: Ang Pakikinabang sa Patubo
Ang patubo ay isang palawasak ng ekonomiya at isang pagsasamantala sa pangangailangan ng nangangailangan ng salapi, maging ito man ay isang mangangalakal sa pangangalakal nito o ito ay isang maralita dahil sa pangangailangan nito. Ito ay ang pagpapautang ng salapi hanggang isang itinakdang taning kapalit ng isang itinakdang karagdagan sa sandali ng pagbabayad ng utang. Kaya ang tagapagpatubo ay nagsasamantala sa pangangailangan ng maralitang nangangailangan ng salapi at nagpapabigat sa likod nito sa pamamagitan ng mga utang na nagkapatung-patong na nadaragdagan higit sa puhunan.
Ang tagapagpatubo ay nagsasamantala sa pangangailangan ng mangangalakal o tagagawa o magsasaka o iba pa sa kanila kabilang sa mga nagpapakilos ng ekonomiya.
Nagsasamantala ito sa minamadaling pangangailangan nila sa dumadaloy na cash sapagkat nag-oobliga ito sa kanila ng isang dagdag na bahagi mula sa mga tubo sa anumang ipinauutang nito sa kanila nang hindi nagiging isang kasosyo sa kanila sa anumang daranasin nila na mga panganib ng katumalan at pagkalugi.
Kapag nalugi ang mangangalakal na ito, magkakapatung-patong sa kanya ang mga utang at dudurog sa kanya ang tagapagpatubong ito samantalang kung sakaling sila ay naging mga magkasosyo sa tubo at pagkalugi – itong isa ay dahil sa pagpapakahirap nito at iyang isa ay dahil sa salapi niya – gaya ng ipinag-utos ng Islām, talagang umikot sana ang gulong ng ekonomiya sa paraang nagpapatuloy sa kapakanan ng lipunan.
Nagsabi si Allāh (napakataas Siya):
{O mga sumampalataya, mangilag kayong magkasala kay Allāh at iwan ninyo ang anumang natira mula sa patubo kung kayo ay mga mananampalataya.
Ngunit kung hindi ninyo ginawa, tumiyak kayo ng isang digmaan mula kay Allāh at sa Sugo Niya. Kung nagbalik-loob kayo ay ukol sa inyo ang mga puhunan ng mga salapi ninyo. Hindi kayo lalabag sa katarungan at hindi kayo lalabagin sa katarungan.
Kung naging may kagipitan [ang nagkautang] ay [magbigay ng] isang paghihintay hanggang sa kaluwagan; ngunit ang magkawanggawa kayo ay higit na mabuti para sa inyo kung kayo ay nakaaalam.}
(Qur’an 2:278-280)
Ang Ikalabindalawa: Ang Kasakiman at ang Karamutan
Ito ay isang patunay sa pagkamakasarili at pag-ibig sa sarili kaya naman nag-iimbak ang maramot na ito ng yaman niya at tumatanggi sa pagpapalabas ng zakāh niya para sa mga maralita at mga dukha, habang nagkakaila sa lipunan niya at tumatanggi sa simulain ng pagtutulungan at kapatiran na ipinag-utos ni Allāh at ng Sugo Niya. Nagsabi si Allāh (napakataas Siya):
{Huwag ngang mag-akala ang mga nagmamaramot ng ibinigay sa kanila ni Allāh mula sa kabutihang-loob Niya na iyon ay mabuti para sa kanila, bagkus iyon ay masama para sa kanila. Kukulyaran sila ng ipinagmaramot nila sa Araw ng Pagbangon. Ukol kay Allāh ang pagmamana sa mga langit at lupa. Si Allāh, sa anumang ginagawa ninyo, ay Mapagbatid.}
(Qur’ān 3:180)
Ang Ikalabintatlo: Ang Pagsisinungaling at ang Pagsaksi sa Kabulaanan
Nailahad na natin ang sabi ng Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan):
“…tunay na ang pagsisinungaling ay pumapatnubay tungo sa kasamaang-loob at tunay na ang kasamaang-loob ay pumapatnubay tungo sa Impiyerno. Hindi natitigil ang tao na nagsisinungaling at naghahangad ng kasinungalingan hanggang sa itala siya sa ganang kay Allāh bilang palasinungaling.”
Kabilang sa mga uri ng pagsisinungaling na kinamumuhian ay ang anumang naging pagsaksi sa kabulaanan. Nagpakalabis-labis ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) sa pagmamasama nito at pagbibigay-babala laban sa mga kahahantungan nito sapagkat nagtaas siya dahil doon ng tinig niya habang nagsasabi sa mga Kasamahan niya:
“Pansinin, magbabalita ako sa inyo hinggil sa pinakamalaki sa malalaking kasalanan: ang pagtatambal kay Allāh at ang kasuwailan sa mga magulang.” Siya ay nakasandal saka umupo saka nagsabi: “Pansinin, ang pagsasabi ng kabulaanan; pansinin, ang pagsaksi sa kabulaanan.”[28]
Hindi siya natigil na umuulit-ulit nito bilang pagbibigay-babala sa Kalipunan na masadlak dito.
[28] Ang ḥadīth ay itinala ni Imām Al-Bukhārīy, Aklat: Ang mga Pagsaksi, Kabanata: Ang Sinabi Kaugnay sa Pagsaksi sa Kabulaanan (3/225).
Ang Ikalabing-apat: Ang Pagmamalaki, ang Kapalaluan, ang Paghanga sa Sarili, at ang Kahambugan
Ang pagmamalaki, ang kapalaluan, at ang kahambugan ay mga katangiang pangit na kinokondena na kinasusuklaman sa Relihiyong Islām. Nagpabatid nga sa atin si Allāh (napakataas Siya) na Siya ay hindi umiibig sa mga nagpapakamalaki. Nagsabi Siya tungkol sa kanila kaugnay sa Tahanang Pangkabilang-buhay:
{Hindi ba sa Impiyerno ay may tuluyan para sa mga nagpapakamalaki?}
(Qur’ān 39:60) Kaya naman ang nagpapakamalaking palalo na humahanga sa sarili ay kinasusuklaman ni Allāh, na kinasusuklaman ng nilikha Niya.