5. Ang mga Haligi ng Pananampalataya
Kapag nalaman na ang mga Haligi ng Islām ay ang mga panlabas na gawain nito na isinasabuhay ng Muslim at nagpapahiwatig ang pagsasagawa niya ng mga ito sa pagkakayakap niya sa Relihiyong Islām, mayroong mga batayan sa loob ng puso na kinakailangan sa Muslim ang pagsampalataya sa mga ito upang tumumpak ang pagkakaanib niya sa Islām, na tinatawag na mga Haligi ng Pananampalataya. Sa tuwing nadaragdagan ang halaga ng mga ito sa puso niya at nalulubos, lalong nadaragdagan ang pag-akyat niya sa mga antas ng pananampalataya at nagiging karapat-dapat siya sa pagkabilang sa mga mananampalatayang lingkod ni Allāh. Ito ay isang antas na higit na mataas kaysa sa antas ng [pagiging] mga Muslim sapagkat ang lahat ng mananampalataya ay Muslim ngunit hindi lahat ng Muslim ay umabot sa antas ng [pagiging] mga mananampalataya.
Kabilang sa natitiyak na taglay ng Muslim ang ugat ng pananampalataya subalit maaaring hindi niya taglay ang kalubusan nito.
Ang mga Haligi ng Pananampalataya ay Anim:
Ang mga ito ay na sumampalataya ka kay Allāh, sa mga anghel Niya, sa mga aklat Niya, sa mga Sugo Niya, sa Huling Araw, at sa pagtatakda: sa kabutihan nito at kasamaan nito.
Ang Unang Haligi ay na sumampalataya ka kay Allāh para mapuno ang puso ng pag-ibig kay Allāh, pagpipitagan sa Kanya, pagkaaba sa Kanya, pagkagupo sa harap Niya, pagtalima sa mga utos Niya lamang nang walang katambal sa Kanya; at para mapuno rin ang puso ng pangamba kay Allāh at pag-aasam sa nasa taglay Niya para maging kabilang sa mga lingkod ni Allāh, na mga tagapangilag magkasala, na mga tagatahak sa landasin Niyang tuwid.
Ang Ikalawang Haligi ay ang pananampalataya sa mga Anghel; na sila ay mga lingkod ni Allāh, na nilikha mula sa isang liwanag, na walang nakatataya sa dami ng bilang nila sa mga langit at lupa kundi si Allāh, na isinakalikasan sa pagsamba, pagsambit ng pag-aalaala [kay Allāh], at pagluluwalhati [sa Kanya sapagkat] “nagluluwalhati sila sa gabi at maghapon nang hindi nananamlay.”
{na hindi sumusuway kay Allāh sa anumang ipinag-utos Niya sa kanila at gumagawa sa anumang inuutos sa kanila.}
(Qur’ān 66:6)
Bawat isa sa kanila ay may gawain niya na pinagsilbi siya ni Allāh para roon. Kabilang sa kanila ang mga tagapasan ng trono. Kabilang sa kanila ang pinagkatiwalaan sa pagkuha ng mga kaluluwa. Kabilang sa kanila ang nagbababa ng pagkasi mula sa langit. Siya ay si Anghel Gabriel, ang pinakamainam sa kanila. Kabilang sa kanila ang mga tagatanod ng Paraiso at ang mga tagatanod ng Impiyerno. May iba pa roon na mga mabuting-loob na anghel. Umiibig sila sa mga mananampalataya kabilang sa mga tao at nagpaparami sila ng paghingi ng tawad at pagdalangin para sa kanila.
Ang Ikatlong Haligi ay ang pananampalataya sa mga aklat na pinababa mula kay Allāh.
Kaya naman sumasampalataya ang Muslim na si Allāh ay nagpababa ng mga aklat sa sinumang niloloob Niya kabilang sa mga sugo Niya, na naglalaman ng tapat na pabatid at makatarungang utos mula sa Kanya (kaluwalhatian sa Kanya); na Siya ay nagpababa kay Moises ng Torah, kay Jesus ng Ebanghelyo, kay David ng Salmo, at kay Abraham ng mga kalatas. Ang mga kasulatang ito ay hindi na umiiral sa ngayon kung paanong nagpapababa ng mga ito si Allāh (napakataas Siya). Sumasampalataya rin ang Muslim na si Allāh ay nagpababa ng Qur’ān sa Pangwakas sa mga Propeta na si Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan), at na Siya ay nagbaba ng mga talata [nito] na nagkakasunud-sunuran sa buong itinagal ng 23 taon. Pinag-ingatan ni Allāh ang Qur’ān laban sa pagpapalit at pagpapaiba:
{Tunay na Kami ay nagbaba ng Paalaala at tunay na Kami rito ay talagang mag-iingat.}
(Qur’ān 15:9)
Ang Ikaapat na Haligi ay ang pananampalataya sa mga sugo.
(Nauna na ang pag-uusap tungkol sa kanila sa isang detalyadong paraan.) Ang lahat ng mga kalipunan sa buong itinagal ng kasaysayan ay pinadalhan na ng mga propeta. Ang relihiyon nila ay iisa at ang Panginoon nila ay iisa. Nag-aanyaya sila sa Sangkatauhan sa paniniwala sa kaisahan ni Allāh at pagsamba sa Kanya at nagbibigay-babala sila sa mga ito laban sa kawalang-pananampalataya, Shirk, at pagsuway.
{Walang anumang kalipunan malibang may nagdaan doon na isang mapagbabala.}
(Qur’ān 35:24)
Sila ay mga tao gaya ng nalalabi sa mga tao. Humirang sa kanila si Allāh para magpaabot ng pasugo Niya:
{Tunay na Kami ay nagkasi sa iyo kung paanong nagkasi Kami kay Noe at sa mga propeta nang matapos niya; nagkasi kina Abraham, Ismael, Isaac, at Jacob, sa mga lipi, kina Jesus, Job, Jonas, Aaron, at Solomon; at nagbigay kay David ng Salmo.
May mga sugong isinalaysay na Namin sa iyo bago pa niyan at may mga sugong hindi Namin isinalaysay sa iyo. At kumausap si Allāh kay Moises sa isang pakikipag-usap.
[Nagsugo ng] mga sugo bilang mga tagapagbalita ng nakagagalak at mga tagapagbabala upang hindi magkaroon ang mga tao laban kay Allāh ng isang katwiran matapos ng mga sugo. Laging si Allāh ay Makapangyarihan, Marunong.}
(Qur’ān 5:163-165)
Sumasampalataya ang Muslim sa kanila sa kalahatan, umiibig sa kanila sa kalahatan, nag-aadya sa kanila sa kalahatan, at hindi nagtatangi sa isa man sa kanila sapagkat ang sinumang tumangging sumampalataya sa iisa sa kanila o nang-alipusta rito o nanlait dito o nanakit dito ay tumanggi ngang sumampalataya sa kanila sa kalahatan.
Ang pinakamabuti sa kanila, ang pinakamainam sa kanila, at ang pinakadakila sa kanila sa kalagayan sa ganang kay Allāh ay ang Pangwakas sa mga Propeta na si Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan).
Ang Ikalimang Haligi ay ang pananampalataya sa Huling Araw.
Na si Allāh ay bubuhay sa mga tao mula sa mga libingan nila at kakalap sa kanila sa Araw ng Pagbangon sa kalahatan upang makipagtuos sa kanila sa mga gawa nila sa pangmundong buhay:
{Sa Araw na papalitan ang lupa ng ibang lupa at ang mga langit, at lalantad sila kay Allāh, ang Nag-iisa, ang Palalupig.}
(Qur’ān 14:48)
{Kapag ang langit ay nabitak,
kapag ang mga tala ay naisabog,
kapag ang mga dagat ay isinambulat,
at kapag ang mga libingan ay hinalukay;
malalaman ng isang kaluluwa ang ipinauna niya at ipinaantala niya.}
(Qur’ān 82:1-5)
{Hindi ba nakaalam ang tao na Kami ay lumikha sa kanya mula sa isang patak saka biglang siya ay isang kaalitang malinaw.
Naglahad siya para sa Amin ng isang paghahalintulad at nakalimot siya sa pagkalikha sa kanya. Nagsabi siya: “Sino ang magbibigay-buhay sa mga buto samantalang ang mga ito ay bulok na?”
Sabihin mo: “Magbibigay-buhay sa mga ito ang nagpaluwal sa mga ito sa unang pagkakataon; at Siya sa bawat nilikha ay Maalam.”
[Siya] ang gumawa para sa inyo mula sa mga punong-kahoy na luntian ng isang apoy, saka biglang kayo mula sa mga ito ay nagpapaningas.
Hindi ba ang lumikha ng mga langit at lupa ay nakakakayang lumikha ng tulad nila? Oo, at Siya ay ang Palalikha, ang Maalam.
Tanging ang utos Niya, kapag nagnais Siya ng isang bagay, ay na magsabi rito: “Mangyari,” saka mangyayari ito.
Kaya kaluwalhatian sa Kanya na nasa kamay Niya ang pagkahari sa bawat bagay, at tungo sa Kanya pababalikin kayo.}
(Qur’ān 36:77-83)
{Maglalagay Kami ng mga timbangang pangmakatarungan para sa Araw ng Pagbangon, kaya hindi lalabagin sa katarungan ang isang kaluluwa sa anuman. Kung ito man ay kasimbigat ng buto ng mustasa ay magtatanghal Kami nito. Nakasapat na Kami bilang Tagapagtuos.}
(Qur’ān 21:47)
{Kaya ang sinumang gumawa ng kasimbigat ng isang katiting na kabutihan ay makikita niya iyon, at ang sinumang gumawa ng kasimbigat ng isang katiting na kasamaan ay makikita niya iyon.}
(Qur’ān 99:7-8)
Bubuksan ang mga pintuan ng Impiyerno para sa sinumang nagindapat sa kanya ang galit ni Allāh, ang pagkamuhi Niya, at ang masakit sa parusa Niya; at bubuksan ang mga pintuan ng Paraiso para sa mga mananampalataya na gumagawa ng mga maayos:
{at tatanggap sa kanila ang mga anghel, [na nagsasabi]: “Ito ay ang Araw ninyo na kayo noon ay pinangangakuan,}
(Qur’ān 21:103)
{Aakayin ang mga tumangging sumampalataya patungo sa Impiyerno nang pangkat-pangkat; hanggang sa nang dumating sila roon ay bubuksan ang mga pintuan niyon at magsasabi sa kanila ang mga tagatanod niyon: “Wala bang pumunta sa inyo na mga sugong kabilang sa inyo, na bumibigkas sa inyo ng mga tanda ng Panginoon ninyo at nagbababala sa inyo sa pakikipagkita sa Araw ninyong ito?” Magsasabi sila: “Oo; ngunit nagindapat ang hatol ng pagdurusa sa mga tagatangging sumampalataya.” Sasabihin: “Pumasok kayo sa mga pintuan ng Impiyerno bilang mga mananatili roon. Kaya kay saklap ang tuluyan ng mga nagpapakamalaki!”
Aakayin ang mga nangilag magkasala sa Panginoon nila patungo sa Paraiso nang pangkat-pangkat; hanggang sa nang dumating sila roon ay nabuksan na ang mga pintuan niyon at magsasabi sa kanila ang mga tagatanod niyon: “Kapayapaan ay sumainyo! Nagpakaaya-aya kayo kaya pumasok kayo rito bilang mga mananatili.”
Magsasabi sila: “Ang papuri ay ukol kay Allāh na nagtotoo sa amin ng pangako Niya at nagpamana sa amin ng lupa. Manunuluyan kami sa Paraiso saanman namin loloobin. Kaya kay inam ang pabuya sa mga tagagawa!”}
(Qur’ān 39:71-74)
Ang paraisong ito na sa loob nito ay may kaginhawahan na walang matang nakakita, walang taingang nakarinig, at hindi sumagi sa isip ng tao.
{Kaya hindi nalalaman ng isang kaluluwa ang ikinubli para sa kanila na kasiyahan ng mga mata bilang ganti sa anumang dati nilang ginagawa.
Kaya ba ang sinumang naging isang mananampalataya ay gaya ng sinumang naging isang suwail? Hindi sila nagkakapantay.
Hinggil naman sa mga sumampalataya at gumawa ng mga maayos, ukol sa kanila ay mga hardin ng kanlungan bilang tuluyan dahil sa dati nilang ginagawa.
Hinggil naman sa mga nagpakasuwail, ang kanlungan nila ay ang Apoy. Sa tuwing nagnais sila na lumabas mula roon, pinanunumbalik sila roon at sinasabi sa kanila: “Lasapin ninyo ang pagdurusa sa Apoy, na dati kayo ay nagpapasinungaling dito.”}
(Qur’ān 32:17-20)
{Ang paglalarawan sa Paraiso – na pinangakuan ang mga tagapangilag magkasala roon ng mga ilog mula sa tubig na hindi nagbabago, ng mga ilog mula sa gatas na hindi nagbago ang lasa nito, ng mga ilog mula sa alak na kasarapan para sa mga tagainom, at ng mga ilog mula sa pulut-pukyutan na dinalisay, at may ukol sa kanila roon na lahat ng mga bunga at isang kapatawaran mula sa Panginoon nila – ay gaya ba ng mga mamamalagi sa Apoy at paiinumin ng isang nakapapasong tubig kaya magpuputul-putol ito sa mga bituka nila?}
(Qur’ān 47:15)
{Tunay na ang mga tagapangilag magkasala ay nasa mga hardin at kaginhawahan,
na mga nagpapasarap sa ibinigay sa kanila ng Panginoon nila at nagsanggalang sa kanila ang Panginoon nila sa pagdurusa sa Impiyerno.
Kumain kayo at uminom kayo nang kaiga-igaya dahil sa dati ninyong ginagawa,
habang mga nakasandal sa mga kama na inihanay. Magkakasal Kami sa kanila sa mga dilag na may maninining na mata.}
(Qur’ān 52:17-20)
Gumawa nawa sa atin si Allāh nang sama-sama kabilang sa mga maninirahan sa Paraiso.
Ang Ikaanim na Haligi: Ang Pananampalataya sa Pagtatakda: sa Kabutihan Nito at Kasamaan Nito
Na ang bawat pagkilos sa kairalan ay pagtatakdang naitala ni Allāh (kapita-pitagan ang pumapatungkol sa Kanya).
{Walang tumamang anumang kasawian sa lupa ni sa mga sarili ninyo malibang nasa isang talaan bago pa Kami lumalang niyon. Tunay na iyon kay Allāh ay madali.}
(Qur’ān 57:22)
{Tunay na Kami sa bawat bagay ay lumikha ayon sa isang takda.}
(Qur’ān 54:49)
{Hindi ka ba nakaalam na si Allāh ay nakaaalam sa anumang nasa langit at lupa. Tunay na iyon ay nasa isang aklat. Tunay na iyon kay Allāh ay madali.}
(Qur’ān 22:70)
Ang anim na haliging ito, ang sinumang nakabuo ng mga ito at sumampalataya sa mga ito nang totoong pagsampalataya, siya ay kabilang sa mga mananampalatayang lingkod ni Allāh. Ang pangkalahatan sa mga nilikha ay mga nagkakaibahan sa mga antas ng pananampalataya: nakalalamang ang iba sa kanila sa iba. Ang pinakamataas sa mga antas ng pananampalataya ay ang antas ng pagpapakahusay (iḥsān). Ito ay ang pagkaabot sa katayuan: “na sumamba ka kay Allāh na para bang nakakikita ka sa Kanya sapagkat kung hindi ka man nakakita sa Kanya, tunay na Siya ay nakakikita sa iyo.”[5]
Ang mga ito ay ang mga hinirang sa mga nilikha sa pinakamataas sa mga antas sa Paraiso sa mga tahanan sa Firdaws.
[5] Nagtala nito si Imām Al-Bukhārīy 4777.