Ang RelihiyongIslām

Maglalahad nito ang mga teksto ng Qur'ān at Sunnah ng pinakamabuti sa mga tao

4. Ang mga Haligi ng Islām

Ang Islām ay may limang pangulong haligi na ang panlabas nito ay kinakailangan sa Muslim na sumunod sa mga ito nang sa gayon mapatotohanan sa kanya ang paglalarawan sa Muslim.

A. Ang Unang Haligi: Ang pagsaksi na walang Diyos kundi si Allāh at na si Muḥammad ay Sugo ni Allāh.

Ito ay ang kauna-unahang pangungusap na kinakailangan na sabihin ng pumapasok sa Relihiyong Islām sapagkat magsasabi siya: “Sumasaksi ako na walang Diyos kundi si Allāh at sumasaksi ako na si Muḥammad ay Sugo ni Allāh at Lingkod Niya,” habang naniniwala sa lahat ng mga kahulugan nito gaya ng dinetalye natin sa naunang pagtatalakay.

Kaya naman maniniwala na si Allāh ang Diyos na iisang kaisa-isa na hindi nagkaanak at hindi ipinanganak at hindi nagkaroon sa Kanya ng isang kapantay na isa man, na Siya ay ang Tagalikha at ang anumang iba sa Kanya ay nilikha, na Siya lamang ang Diyos na naging karapat-dapat sa pagsamba kaya walang Diyos kundi Siya at walang Panginoon na iba sa Kanya; at maniniwala na si Muḥammad ay Sugo ni Allāh at Lingkod Niya, na ibinaba sa kanya ang pagkakasi mula sa langit, na tagapagpaabot buhat kay Allāh ng pag-uutos Niya at pagsaway Niya, na kinakailangan ang paniniwala sa anumang ipinabatid niya, ang pagtalima sa kanya sa anumang ipinag-utos niya, at ang pag-iwas sa anumang sinaway niya at sinawata niya.

B. Ang Ikalawang Haligi: Ang Pagpapanatili ng Pagdarasal

Sa pagdarasal napalilitaw ang mga pinakatampok ng pagkamananamba at ang pagpapasailalim kay Allāh (napakataas Siya) sapagkat ang tao ay tumatayo nang taimtim habang bumibigkas ng mga talata ng Qur’ān, dumadakila kay Allāh sa pamamagitan ng mga uri ng pagsambit at pagbubunyi, yumuyukod sa Kanya, at sumsubsob sa Kanya nang nakapatirapa para makipag-usap nang lihim sa Kanya, dumalangin sa Kanya, at humingi sa Kanya mula sa kabutihang-loob Niyang dakila. Kaya naman ito ay isang ugnayan sa pagitan ng tao at ng Panginoon niya na lumikha sa kanya at nakaaalam sa paglilihim niya, paglalantad niya, at paggalaw-galaw niya sa gitna ng mga nagpapatirapa. Ito ay isang kadahilanan sa pag-ibig ni Allāh sa lingkod Niya, pagkalapit Niya rito, at pagkalugod Niya rito. Ang sinumang nag-iwan nito dala ng pagmamalaki laban sa pagkamananamba kay Allāh, magagalit si Allāh sa kanya, susumpa sa kanya, at lumalabas sa Relihiyong Islām.

Ang kinakailangan sa mga ito ay limang pagdarasal sa isang araw, na naglalaman ng pagtindig, pagbigkas [sa wikang Arabe] ng Kabanatang Al-Fātiḥah:

{1. Bismi -llāhi -rraḥmāni -rraḥīm (Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.)

2. Alḥamdu lillāhi rabbi -l`ālāmin (Ang papuri ay ukol kay Allāh, ang Panginoon ng mga nilalang,)

3. Arraḥmāni -rraḥīm (ang Napakamaawain, ang Maawain,)

4. Māliki yawmi -ddīn (ang Tagapagmay-ari ng Araw ng Pagtutumbas.)

5. Iyyāka na`budu wa iyyāka nasta`īn (Sa Iyo [lamang] kami sumasamba at sa Iyo [lamang] kami nagpapatulong.)

6. Ihdina -ṣṣirāṭa -lmustaqīm (Patnubayan Mo kami sa landasing tuwid:)

7. Ṣirāṭa -lladhīna an`amta `alayhim ghayri -lmaghḍūbi `alayhim wa la -ḍḍāllīn (ang landasin ng mga biniyayaan Mo, hindi ng mga kinagalitan, at hindi ng mga naliligaw.)}

(Qur’ān 1:1-7)

at pagbigkas ng anumang naging madali mula sa mga talata ng Qur’ān. Ito ay naglalaman ng pagyukod, pagpapatirapa, panalangin kay Allāh, pagdakila [kay Allāh] sa pamamagitan ng pagsabi ng Allāhu akbar (si Allāh ay pinakadakila), at pagluluwalhati sa Kanya sa pagkakayukod sa pamamagitan ng pagsabi ng subḥāna rabbiya -l-`aḍ̆īm (kaluwalhatian sa Panginoon ko, ang Sukdulan) at sa pagkakapatirapa sa pamamagitan ng pagsabi ng subḥāna rabbiya -l-a`lā (kaluwalhatian sa Panginoon ko, ang Pinakamataas).

Bago ng pagsasagawa ng dasal, walang pag-iwas para sa magdarasal na siya ay nakapagdalisay mula sa mga karumihan (mula sa ihi at dumi) sa katawan niya, kasuutan niya, at lugar ng pagdarasal niya, habang nakapagsagawa ng wuḍū’ sa pamamagitan ng tubig, sa pamamagitan ng paghuhugas sa mukha niya at mga kamay niya, pagpapahid sa ulo niya, pagkatapos paghuhugas ng mga paa niya.

Kapag siya ay naging junub (nangangailangang maligo dahil nakipagtalik sa asawa), kailangan sa kanya ang maligo sa pamamagitan ng paghuhugas sa buong katawan niya.

C. Ang Ikatlong Haligi: Ang Zakāh

Ito ay isang naitakdang proporsiyon mula sa puhunan na isinatungkulin ni Allāh sa mga mayaman, na ibinibigay sa mga maralita at mga dukhang naging karapat-dapat kabilang sa mga indibiduwal ng lipunan para maibsan ang kasalatan at ang pangangailangan sa kanila. Ang halaga nito sa salapi ay 2.5% mula sa puhunan. Ipinamamahagi ito sa sinumang nagiging karapat-dapat dito.

Ang haliging ito ay isang kadahilanan sa paglaganap ng pagdadamayang panlipunan sa pagitan ng mga individuwal ng lipunan kalakip ng pagkadagdag ng pag-ibig, pagkakapalagayan, pagtutulungan sa pagitan nila, at paglaho ng mga hinanakit at mga sama ng loob ng mga uring maralita sa mga lipunan ng mga mayaman at mga nakaririwasa; at isang pangunahing kadahilanan ng paglago ng ekonomiya, pamumukadkad nito, pagkilos ng salapi sa isang tumpak na paraan, at sa pagkaabot nito sa lahat ng mga uri ng lipunan.

Ang zakāh na ito ay kinakailangan sa mga yaman sa sarisaring uri ng mga ito gaya ng mga salapi, mga hayupan, mga bunga, mga butil, mga paninda ng kalakal, at iba pa roon sa magkakaiba-ibang proporsiyon mula sa puhunan ng bawat isa sa mga uri.

D. Ang Ikaapat na Haligi: Ang Pag-aayuno sa Ramaḍān

Ang pag-aayuno ay ang pagtigil sa pagkain, pag-inom, at pakikipagtalik sa asawa nang may layunin ng pagpapakamananamba kay Allāh mula sa pagsapit ng madaling-araw hanggang sa paglubog ng araw.

Ang buwan ng Ramaḍān na isinatungkulin ang pag-aayuno rito ay ang ikasiyam na buwan sa mga lunar na buwan. Ito ay ang buwan na pinagsimulan ng pagbaba ng Qur’ān sa Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan).

Nagsabi si Allāh (napakataas Siya):

{Ang buwan ng Ramaḍān ay ang [buwang] pinababa rito ang Qur’ān bilang patnubay para sa mga tao at bilang mga malinaw na patunay mula sa patnubay at saligan. Kaya ang sinumang nakasaksi kabilang sa inyo sa buwan [ng Ramaḍān] ay mag-ayuno siya nito…}

(Qur’ān 2:185)

Kabilang sa mga dakilang katuturan ng pag-ayuno ay ang pagkahirati sa pagtitiis at ang pagpapalakas sa pagsasa-ugali ng pangingilag sa pagkakasala at pananampalataya sa puso. Iyon ay dahil ang pag-aayuno ay isang lihim sa pagitan ng tao at ni Allāh sapagkat ang tao ay nakakakaya, kapag namumukod-tangi sa isang lugar, na kumain at uminom at walang nakaaalam na isa man sa pagtigil-ayuno niya. Kaya kapag iniwan niya [ang mga nabanggit na] iyon bilang pagpapakamananamba kay Allāh at bilang pagtalima sa mga utos Niya lamang nang walang katambal sa Kanya, habang siya ay nakaaalam na walang nakababatid doon sa pagsamba niyang ito kundi si Allāh, iyon ay magiging isang kadahilanan sa pagkadagdag ng pananampalataya at pangingilag sa pagkakasala sa ganang kanya. Dahil doon, ang pabuya sa mga nag-aayuno ay mabigat sa ganang kay Allāh; bagkus may ukol sa kanila na isang natatanging pintuan sa Paraiso, na ang pangalan ay ang Pinto ng Ar-Rayyān.

Maaari para sa Muslim ang mag-ayuno bilang kusang-loob sa hindi buwan ng Ramaḍān o sa nalalabi sa mga araw ng taon maliban sa dalawang araw ng `īdulfiṭr at `īdul’aḍḥā.

E. Ang Ikalimang Haligi: Ang Ḥajj sa Bahay na Pinakababanal

Isinasatungkulin sa Muslim ang pagsasagawa nito nang iisang beses sa tanang buhay; ngunit kung nagdagdag siya roon, iyon ay magiging isang pagkukusang-loob. Nagsabi si Allāh (napakataas Siya):

{Sa kay Allāh tungkulin ng mga tao ang pagsagawa ng ḥajj sa Bahay: ng sinumang nakayang [magkaroon] patungo roon ng isang landas.}

(Qur’ān 3:97)

Maglalakbay ang Muslim sa mga lugar ng gawain ng ḥajj sa Makkah Mukarramah sa buwan ng ḥajj, ang pinakahuli sa mga buwang lunar na panghijrah. Bago ng pagpasok sa Makkah, mag-aalis ang Muslim ng mga kasuutan niya at magsusuot ng kasuutan ng iḥrām. Ito ay binubuo ng dalawang telang puti.

Pagkatapos magsasagawa siya ng iba’t ibang gawain ng ḥajj gaya ng pag-ikot (ṭawāf) sa Pinarangalang Ka`bah, paglalakad (sa`y) sa pagitan ng Ṣafā at Marwā, pagtigil (wuqūf) sa `Arafah, pagpapagabi (mabīt) sa Muzdalifah, at iba pa roon.

Ang ḥajj ay pinakamalaking pagtitipon ng mga Muslim sa balat ng lupa, na naghahari sa gitna nila ang pagkakapatiran, ang pag-aawaan, at ang pagpapayuhan. Ang kasuutan nila ay iisa at ang mga ritwal nila ay iisa. Walang kalamangan para sa isa sa kanila higit sa iba pa maliban sa pangingilag sa pagkakasala. Ang pabuya [mula kay Allāh] ng ḥajj ay sukdulan. Nagsabi ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan):

“Ang sinumang nagsagawa ng ḥajj at hindi nagmalaswa at hindi nagpakasuwail ay lalabas mula sa mga pagkakasala niya gaya ng araw na ipinanganak siya ng ina niya.”[4]

[4] Ang ḥadīth ay itinala ni Imām Al-Bukhārīy (2/164), Aklat: Ang Ḥajj, Kabanata: Ang Kainaman ng Tanggap na Ḥajj.

About The Author