Ang RelihiyongIslām

Maglalahad nito ang mga teksto ng Qur'ān at Sunnah ng pinakamabuti sa mga tao

3. Si Muḥammad, ang Sugo ni Allāh (ang Pangwakas sa mga Propeta at mga Isinugo)

Matapos ng pag-angat kay Jesus (sumakanya ang pangangalaga), may lumipas na isang mahabang yugto ng panahon na malapit sa anim na siglo na nadagdagan ang pagkalihis ng mga tao palayo sa patnubay at lumaganap sa kanila ang kawalang-pananampalataya, ang pagkaligaw, at ang pagsamba sa iba pa kay Allāh (napakataas Siya).

Ipinadala ni Allāh si Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) sa Makkah Mukarramah sa lupain ng Ḥijāz kalakip ng patnubay at Relihiyon ng Katotohanan upang sambahin si Allāh lamang nang walang katambal sa Kanya. Pinabaunan siya ni Allāh ng mga tanda at mga himalang nagpapatunay sa pagkapropeta niya at mensahe niya. Winakasan ni Allāh sa pamamagitan niya ang mga isinugo, ginawa ang relihiyon niya bilang pangwakas sa mga relihiyon, at iningatan ito laban sa pagpapalit at pagpapaiba hanggang sa wakas ng makamundong buhay at pagsapit ng Huling Sandali. Kaya sino si Muḥammad?

Sino ang mga kababayan niya?

Papaano siyang isinugo?

Ano ang mga patunay ng pagkapropeta niya?

Ano ang mga detalye ng talambuhay niya?

Ito ang tatangkain nating linawin ayon sa pahintulot ni Allāh sa mga pinaiksing pahinang ito.

A. Ang Kaangkanan Niya at ang Dangal Niya

Siya ay si Muḥammad na anak ni `Abdullāh na anak ni `Abdulmuṭṭalib na anak ni Hāshim na anak ni `Abdumanāf na anak ni Quṣayy na anak ni Kilāb. Ang kaangkanan niya ay hanggang sa kay Ismael na anak ni Abraham (sumakanilang dalawa ang pangangalaga), na kabilang sa liping Quraysh at ang Quraysh naman ay kabilang sa mga Arabe. Ipinanganak siya sa Makkah noong taong 571 matapos ng kapanganakan ni Kristo (sumakanya ang pangangalaga).

Pinapanaw ang ama niya habang siya ay isang sanggol sa sinapupunan, kaya lumaki siya na isang ulila sa ilalim ng pagtangkilik ng lolo niyang si `Abdulmuṭṭalib. Pagkatapos noong pinapanaw naman ang lolo niya, tinangkilik siya ng tiyuhin niyang si Abū Ṭālib.

B. Ang mga Katangian Niya

Nabanggit natin na ang sugong pinili mula sa ganang kay Allāh ay hindi maiiwasan na maging nasa pinakamataas na rurok ng katayugan ng kaluluwa, katapatan ng pagsasalita, at kagandahan ng mga kaasalan. Gayon si Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) sapagkat lumaki siyang tapat, mapagkakatiwalaan, maganda ang kaasalan, kaaya-aya ang pagsasalita, matatas ang dila, na iniibig ng kaanak at di-kaanak, dinadakila sa mga kababayan niya, iginagalang sa gitna nila, na wala silang itinataguri sa kanya kundi “Ang Mapagkakatiwalaan.” Sila noon ay naglalagay sa piling niya ng mahahalagang bagay nila kapag naglakbay sila.

Karagdagan sa kagandahan ng kaasalan niya, siya nga noon ay marikit ang anyo, na hindi nagsasawa ang mata sa pagkakita sa kanya, maputi ang mukha, madilat ang mga mata, mahaba ang mga pilikmata ng mga mata, maitim ang buhok, malapad ang mga balikat, na hindi matangkad at hindi mababa: katamtaman sa mga lalaki gayong siya sa katangkaran ay higit na malapit. Naglalarawan sa kanya ang isa sa mga Kasamahan niya na nagsasabi ito:

“Nakita ko ang Sugo ni Allāh (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) sa isang kasuutang Yemeneo saka hindi ako nakakita ng higit na makisig kaysa sa kanya kailanman.”

Siya ay isang iliterato: hindi nakababasa at hindi nakasusulat, sa mga taong iliterato na kaunti ang mahusay sa pagbasa at pagsulat sa kanila subalit sila noon ay matatalino, malalakas ang memorya, mabibilis ang kabatiran.

C. Ang Quraysh at ang mga Arabe

Ang mga kababayan ng Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) at ang angkan niya ay nakatira sa Makkah Mukarramah sa tabi ng Bahay na Pinakababanal at Pinarangalang Ka`bah na ipinag-utos ni Allāh kina Abraham at Ismael (sumakanilang dalawa ang pangangalaga) na ipatayo.

Subalit sila, kasabay ng paghahabaan ng panahon, ay lumihis palayo sa relihiyon ni Abraham (ang dalisay na pagsamba kay Allāh). Naglagay sila sampu ng mga lipi na nasa paligid nila ng mga anito mula na mga bato, mga punong-kahoy, at ginto sa paligid ng Ka`bah. Bumanal sila sa mga ito at naniwala sila na nasa kamay ng mga ito ang pakinabang at ang pinsala. Nagpauso sila ng mga ritwal ng mga pagsamba sa mga ito. Kabilang sa pinakatanyag sa mga ito ay ang anitong si Hubal na siyang pinakamalaki sa mga anito at pinakasukdulan sa mga ito sa kalagayan.

Karagdagan sa mga iba pang anito at mga punong-kahoy sa labas ng Makkah, na sinasamba bukod pa kay Allāh at pinaliligiran ng isang sinag ng kabanalan, ang tulad nina Allāt, Al`uzzā, at Manāh. Ang buhay nila noon kasama ng mga kapaligiran na nasa palibot nila ay puno ng kagaslawan, kayabangan, kahambugan, paglabag sa mga ibang tao, at mga mapanirang digmaan, kahit pa man nasa kanila ang ilan sa mga magandang kaasalan tulad ng katapangan, pagpaparangal sa panauhin, katapatan ng pagsasalita, at iba pa sa mga ito.

D. Ang Pagpapadala sa Propeta (Basbasan Siya ni Allāh at Pangalagaan)

Noong umabot ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) sa edad na 40 taon habang siya ay nasa yungib ng Ḥirā’ sa labas ng Makkah, bumaba sa kanya ang kauna-unahang pagkasi mula sa langit mula sa ganang kay Allāh. Dumating sa kanya si Anghel Gabriel saka mahigpit itong yumakap sa kanya at nagsabi sa kanya: “Bumasa ka.” Nagsabi naman siya: “Ako ay hindi nakababasa.” Pagkatapos mahigpit itong yumakap sa kanya sa ikalawang pagkakataon hanggang sa tumindi sa kanya ang pahirap nang matindi saka nagsabi ito sa kanya: “Bumasa ka.” Kaya nagsabi na naman siya: “Ako ay hindi nakababasa.” Pagkatapos mahigpit itong yumakap sa kanya sa ikatlong pagkakataon hanggang sa tumindi sa kanya ang pahirap nang matindi saka nagsabi ito sa kanya: :Bumasa ka. Kaya nagsabi naman siya: “Ano ang babasahin ko?” Nagsabi ito:

{Bumasa ka sa ngalan ng Panginoon mo na lumikha,

lumikha sa tao mula sa isang malalinta.

Bumasa ka samantalang ang Panginoon mo ay ang Pinakamapagbigay,

na nagturo sa pamamagitan ng panulat,

nagturo sa tao ng hindi nito nalaman.}

(Qur’ān 96:1-5)

Pagkatapos umalis ang anghel at iniwan siya. Bumalik ang Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) sa bahay niya at maybahay niya nang nangangambang nasisindak saka nagsabi sa maybahay niyang si Khadījah: “Balutin mo ako! Tunay na ako ay natakot para sa sarili ko.” Kaya nagsabi sa kanya ang maybahay niya: “Aba’y huwag! Sumpa man kay Allāh, hindi magpapahiya sa iyo si Allāh magpakailanman. Tunay na ikaw ay talagang nakikiugnay sa kaanak, pumapasan ng pabigat [ng iba], at tumutulong sa mga dinapuan ng kasawiang-palad.”

Pagkatapos dumating sa kanya si Gabriel sa anyo nito na ayon sa pagkakalikha ni Allāh sa kanya. Humarang nga ito sa pagitan ng mga abot-tanaw saka nagsabi ito: “O Muḥammad, ako ay si Gabriel at ikaw ay Sugo ni Allāh.”

Pagkatapos nagsunuran ang [pagdating ng] kasi mula sa langit, na nag-uutos sa Sugo ng pag-anyaya sa mga kababayan niya sa pagsamba kay Allāh lamang at ng pagbibigay-babala sa kanila laban sa Shirk at kawalang-pananampalataya. Kaya nagsimula siya na mag-anyaya sa mga kababayan niya nang isa-isa sa pinakamalapit saka higit na malapit upang pumasok sila sa Relihiyong Islām. Ang kauna-unahan sa mga sumampalataya sa kanya ay ang maybahay niyang si Khadījah bint Khuwaylid, ang kaibigan niyang si Abū Bakr Aṣ-Ṣiddīq, at ang pinsan niyang si `Alīy bin Abī Ṭālib.

Pagkatapos noong nakaalam ang mga kababayan niya hinggil sa pag-aanyaya niya, nagsimula sila sa pagkontra sa kanya, panlalansi sa kanya, at pakikipag-away sa kanya. Pumunta siya, isang umaga ng isang araw, sa mga kababayan saka nanawagan sa kanila sa pinakamalakas na tinig niya: “Wāṣabāḥāh.” Ito ay isang salitang sinasabi ng sinumang nagnais na tipunin ang mga tao. Kaya nagsunuran naman ang mga kababayan niya habang nagtitipon sila upang makarinig ng sasabihin sa kanila. Noong nakapagtipon sila, nagsabi siya sa kanila: “Sa tingin ba ninyo kung nagpabatid ako sa inyo na ang kaaway ay darating nang umaga sa inyo o darating nang gabi sa inyo, kayo ba ay maniniwala sa akin?” Nagsabi sila: “Hindi kami nakasubok sa iyo ng isang pagsisinungaling.” Nagsabi siya: “Kaya tunay na ako ay isang mapagbabala para sa inyo sa harap ng isang pagdurusang matindi.” Kaya nagsabi naman ang tiyuhin niyang si Abū Lahab, na isa sa mga tiyuhin niya sampu ng maybahay niya, na kabilang sa pinakamatindi sa mga tao sa pagkamuhi sa kanya (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan): “Kapahamakan sa iyo! Dahil ba dito tinipon mo kami?” Kaya nagpababa si Allāh sa Sugo Niya (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) ng sabi Niya (napakataas Siya):

{Napahamak ang dalawang kamay ni Abū Lahab at napahamak siya!

Walang naipakinabang para sa kanya ang yaman niya at ang anumang nakamit niya.

Masusunog siya sa isang Apoy na may lagablab

at ang maybahay niya [rin], na tagapasan ng kahoy na panggatong,

Sa leeg nito ay may tali mula sa linubid na himaymay.}

(Qur’ān 111:1-5)

Pagkatapos nagpatuloy ang Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) na nag-aanyaya sa kanila tungo sa Islām at nagsasabi sa kanila: “Magsabi kayo na walang Diyos kundi si Allāh, magtatagumpay kayo;” ngunit nagsabi sila: “Gumawa ba siya sa mga diyos bilang nag-iisang diyos? Tunay na ito ay talagang isang bagay na kataka-taka.”

Nagbabaan ang mga talata mula sa ganang kay Allāh, na nag-aanyaya sa kanila tungo sa patnubay at nagbibigay-babala sa kanila laban sa pagkaligaw na kinasadlakan nila, na kabilang sa mga talatang ito ang sabi ni Allāh (napakataas Siya):

{Sabihin mo: “Tunay na kayo ba ay talagang tumatangging sumampalataya sa lumikha ng lupa sa dalawang araw at gumagawa sa Kanya ng mga kaagaw? Iyon ay ang Panginoon ng mga nilalang.”

Naglagay Siya rito ng mga matatag na bundok mula sa ibabaw nito. Nagpala Siya rito at nagtakda Siya rito ng mga makakain dito sa [pagkalubos ng] apat na araw nang magkapantay para sa mga nagtatanong.

Pagkatapos bumaling Siya sa langit habang ito ay usok pa saka nagsabi Siya rito at sa lupa: “Pumunta kayong dalawa sa pagtalima o sapilitan.” Nagsabi silang dalawa: “Pupunta kami na mga tumatalima.”

Saka tumapos Siya sa mga ito bilang pitong langit sa dalawang araw at nagkasi Siya sa bawat langit ng utos dito. Gumayak Kami sa langit na pinakamababa ng mga lampara at bilang pangangalaga. Iyon ay ang pagtatakda [Niya], ang Makapangyarihan, ang Maalam.

Kaya kung umayaw sila ay sabihin mo: “Nagbabala ako sa inyo ng isang lintik tulad ng lintik ng `Ād at Thamūd.}

(Qur’ān 41:9-13)

Subalit ang mga talatang ito at ang pag-aanyayang iyon ay hindi nakadagdag sa kanila maliban ng isang pagpapakasutil at isang pagmamalaki laban sa pagtanggap ng katotohanan; bagkus nagsimula silang tumitindi sa pagdudulot ng pagdurusa sa bawat sinumang pumasok sa Relihiyong Islām, lalo na sa mga minamahina na hindi nagkaroon ng magsasanggalang sa kanila. Naglalagay sila sa dibdib ng isa sa mga ito ng malaking bato. Hinihila nila ito sa mga lansangan sa sandali ng tindi ng init. Nagsasabi sila rito: “Tumanggi kang sumampalataya sa relihiyon ni Muḥammad o malugod ka sa pagdurusang ito,” hanggang sa namatay kabilang sa mga ito ang namatay dahil sa tindi ng pagdudulot ng pagdurusa.

Hinggil naman sa Sugo ni Allāh (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan), siya ay nasa pagsasanggalang ng tiyuhin niyang si Abū Ṭālib na umiibig sa kanya at dumadamay sa kanya. Ito ay kabilang sa mga malalaking pinagpipitaganang tao ng liping Quraysh, gayon pa man hindi ito pumasok sa Islām.

Nagtangka ang liping Quraysh na makipagtawaran sa Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) sa pag-aanyaya niya kaya nag-alok sila sa kanya ng mga yaman, paghahari, at mga pang-udyok sa kundisyon na magpigil siya sa pag-aanyaya tungo sa bagong relihiyong ito na nagmamasama sa mga diyos nila na binabanal nila at sinasamba nila bukod pa kay Allāh. Ang paninindigan ng Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) ay tiyakang matigas dahil ito ay isang utos na ipinag-utos ni Allāh sa kanya upang magpaabot siya nito sa mga tao. Kung sakaling tumalikod siya sa utos na ito, talagang magdudulot ng pagdurusa sa kanya si Allāh.

Nagsabi siya sa kanila: “Tunay na ako ay nagnanais ng kabutihan para sa inyo. Kayo ay mga kababayan ko at kaangkan ko.

Sumpa man kay Allāh, kung sakaling nagpasinungaling ako sa mga tao sa kabuuan nila, hindi ako magpapasinungaling sa inyo; at kung sakaling nandaya ako sa mga tao sa kabuuan nila, hindi ako mandaraya sa inyo.”

Yayamang walang naipakinabang ang mga pakikipagtawaran sa paghinto ng paanyaya, nadagdagan ang pangangaway ng liping Quraysh sa Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) at mga tagasunod niya. Humiling ang liping Quraysh kay Abū Ṭālib na isuko niya sa kanila si Muḥammad (basbasan ito ni Allāh at pangalagaan) upang mapatay nila ito at magbibigay sila sa kanya ng anumang loloobin niya o magpigil ito sa paglalantad ng relihiyon niya sa gitna nila. Kaya naman hiniling niya rito na magpigil ito sa pag-aanyaya tungo sa relihiyong ito.

Kaya naluha ang Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) at nagsabi:

“O tiyo, sumpa man kay Allāh; kung sakaling inilagay nila ang araw sa kanang kamay ko at ang buwan sa kaliwang kamay ko para mag-iwan ako ng relihiyong ito, hindi ako mag-iiwan nito hanggang sa magpangibabaw nito si Allāh o masawi ako alang-alang dito.”

Kaya nagsabi ang tiyuhin niya: “Magpatuloy ka saka magsabi ka ng niloob mo; sumpa man kay Allāh, hindi sila makapananakit sa iyo ng anuman hanggang sa mapatay ako alang-alang sa iyo.” Noong paparating ang pagpanaw ni Abū Ṭālib habang nasa tabi nito ang ilan sa malalaking tao ng Quraysh, dumating dito ang Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) na naggigiit dito na pumasok sa Islām. Nagsasabi siya rito: “O tiyo, magsabi ka ng pangungusap [ng Tawḥīd], makikipagpangatwiran ako para sa iyo dahil dito sa harap ni Allāh; magsabi ka na walang Diyos kundi si Allāh.” Nagsabi naman dito ang malalaking tao: “Umaayaw ka ba sa relihiyon ni `Abdulmuṭṭalib? (Umaayaw ka ba sa relihiyon ng mga magulang at mga ninuno?)” Minabigat ni Abū Ṭālib na iwan ang relihiyon ng mga magulang nito para pumasok sa Relihiyong Islām, kaya namatay ito na Mushrik.

Kaya nalungkot ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) nang isang matinding pagkalungkot sa pagpanaw ng tiyuhin niya habang nasa Shirk, kaya nagpabatid sa kanya si Allāh (napakataas Siya) sa pamamagitan ng pagsabi:

{Tunay na ikaw ay hindi pumapatnubay sa sinumang inibig mo, subalit si Allāh ay pumapatnubay sa sinumang niloloob Niya. Siya ay higit na maalam sa mga napapatnubayan.}

(Qur’ān 28:56)

Sumapit ang pamemerhuwisyo sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) matapos ng pagpanaw ng tiyuhin niyang si Abū Ṭālib. Kumukuha sila ng mga dumi (mula sa mga hayop) at inilalagay nila ang mga ito sa likod niya habang siya ay nagdarasal sa tabi ng Ka`bah.

Pagkatapos pumunta ang Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) sa lungsod ng Ṭā’if upang mag-anyaya sa mga mamamayan nito tungo sa Islām. (Ang Ṭā’if ay isang lungsod na nalalayo ng 70 kilometro buhat sa Makkah.) Ngunit kinontra ng mga mamamayan ng Ṭā’if ang paanyaya niya nang higit na matindi kaysa sa ginawa ng mga mamamayan ng Makkah. Inudyukan nila ang mga hunghang nila na batuhin ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) at pinalayas nila siya mula sa Ṭā’if saka sinundan naman siya ng mga ito habang pinupukol siya ng bato hanggang sa napadugo nila ang mga marangal na sakong niya.

Kaya dumulog ang Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) sa Panginoon niya habang dumadalangin at nagpapaadya. Nagsugo naman si Allāh sa kanya ng anghel saka nagsabi ito sa kanya: “Tunay na ang Panginoon mo ay nakarinig sa sinasabi ng mga kababayan mo sa iyo. Kaya kung loloobin mo, itataklob ko sa kanila ang Akhshabān.” (Ang Akhshabān ay dalawang malaking bundok.) Nagsabi naman siya: “Huwag; subalit umaasa ako kay Allāh na magpalabas Siya mula sa mga supling nila ng sasamba sa Kanya lamang at hindi magtatambal sa Kanya ng anuman.”

Pagkatapos bumalik ang Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) sa Makkah at nagpatuloy ang pangangaway at ang pagkontra ng mga kababayan niya sa bawat sinumang sumampalataya sa kanya. Pagkatapos may dumating sa Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) na isang pangkat mula sa lungsod ng Yathrib, na tinatawag matapos niyon sa pangalang Madīnah. Inanyayahan niya sila sa Islām saka yumakap naman sila sa Islām. Nagsugo siya kasama nila ng isa sa mga Kasamahan niya, na ang pangalan ay Muṣ`ab bin `Umayr, na magtuturo sa kanila ng mga katuruan ng Islām. Yumakap naman sa Islām sa mga kamay ni Muṣ`ab ang marami sa mga mamamayan ng Madīnah.

Pumunta sila sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) noong sumunod na taon upang mangako sila sa kanya ng katapatan sa Islām. Pagkatapos nag-utos siya sa mga sinisiil na Kasamahan niya na lumikas sa Madīnah. Lumikas naman sila bilang mga pangkat at bilang mga indibiduwal. Ipinantawag sa kanila ang taguring muhājirūn (mga lumikas). Sinalubong sila ng mga mamamayan ng Madīnah ng pagpaparangal, pagkalugod, at pagtanggap. Pinatuloy sila ng mga ito sa mga bahay ng mga ito at hinatian sila ng mga ito ng mga ari-arian ng mga ito at mga tirahan ng mga ito. Tinawag ang mga ito matapos niyon bilang anṣār (mga tagaadya).

Pagkatapos noong nakaalam ang liping Quraysh hinggil sa paglikas na ito, nagpasya sila na patayin ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan). Nagpasya sila na kubkubin ang tirahan niya na pinagpapagabihan niya sapagkat kapag lumabas siya ay tatagain nila siya ng tabak gaya ng isang taga ng iisang lalaki, ngunit sinagip siya ni Allāh mula sa kanila. Lumabas siya sa gitna nila samantalang sila ay hindi nakararamdam. Sumunod sa kanya si Abū Bakr Aṣ-Ṣiddīq at nag-utos ito kay `Alīy na manatili sa Makkah upang isauli sa mga may-ari ang mga ipinagkatiwalang nakalagak sa pag-iingat ng Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan).

Habang nasa daan ng paglikas, gumawa ang liping Quraysh ng mamahaling premyo para sa sinumang makahuhuli kay Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) nang buhay o patay. Subalit si Allāh ay nagligtas sa kanya laban sa kanila sapagkat nakarating siya nang ligtas sa Madīnah kasama ng kasamahan niya.

Sinalubong siya ng mga mamamayan ng Madīnah nang may kagalakan, pagkalugod, at matinding tuwa. Lumabas silang lahat mula sa mga tahanan nila para sa pagsalubong sa Sugo ni Allāh habang nagsasabing dumating ang Sugo ni Allāh, dumating ang Sugo ni Allāh.

Tumatag ang pananatili ng Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) saka nagpasimula siya sa Madīnah, una, ng pagpapatayo ng masjid upang pagsagawaan ng mga dasal. Nag-umpisa siyang magturo sa mga tao ng mga batas ng Islām, magpabigkas sa kanila ng Qur’ān, at humubog sa kanila sa mararangal na mga kaasalan, kaya naman nagkumpulan sa paligid niya ang mga Kasamahan niya habang natututo mula sa kanya ng patnubay, nagpapabusilak sa pamamagitan niya ng mga sarili nila, at umaangat sa pamamagitan niya ang mga kaasalan nila. Lumalim ang pag-ibig nila sa Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan). Naimpluwensiyahan sila ng mga katangian niyang mataas. Lumakas ang bigkis ng kapatirang pampananampalataya sa pagitan nila.

Ang Madīnah ay naging totohanang lungsod na Ideyal na namumuhay sa isang kapaligiran ng kaligayahan at kapatiran. Walang pagkakaiba sa ganang mga residente nito sa pagitan ng isang mayaman ni isang maralita ni isang puti ni isang itim ni isang Arabe ni isang di-Arabe. Hindi nakalalamang ang iba sa kanila sa iba pa maliban sa pananampalataya at pangingilag magkasala. Nabuo mula sa mga hinirang na ito ang pinakamainam na salinlahing nakilala ng kasaysayan.

Matapos ng isang taon mula ng paglikas ng Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan), nagsimula ang mga pagsalansang at ang mga labanan sa pagitan ng Sugo at mga Kasamahan niya laban sa liping Quraysh at mga sumabay sa mga ito sa pakikipag-away sa relihiyong Islām.

Kaya naganap ang kauna-unahang labanan sa pagitan nila. Ito ay ang dakilang labanan sa Badr, sa isang lambak sa pagitan ng Makkah at Madīnah. Umalalay si Allāh sa mga Muslim, na ang bilang ay 314 manlalaban, laban sa liping Quraysh, na ang bilang ay 1,000 manlalaban. Nagwagi ang mga Muslim sa isang pinagtagumpay na pagwawagi. Napatay rito mula sa liping Quraysh ang pitumpu, na ang karamihan sa mga ito ay kabilang malalaking tao at mga pinuno, nabihag ang pitumpu, at tumakas naman ang mga natitira.

Pagkatapos may dumating na mga iba pang labanan sa pagitan ng Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) at ng liping Quraysh. Nakaya ng Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) sa katapusan ng mga ito (walong taon matapos ng paglisan niya mula sa Makkah) na magpadala sa Makkah Mukarramah ng isang hukbong ang lakas ay 10,000 manlalaban kabilang sa mga pumasok sa Islām upang sumalakay sa liping Quraysh sa looban ng tahanan nito, upang pasukin ito nang puwersahan, magwagi laban sa kanila sa isang malawakang pagwawagi, at tumalo sa lipi niya na nagnais pumatay sa kanya, nagpasakit sa mga Kasamahan, at sumagabal sa Relihiyon na inihatid niya mula sa ganang kay Allāh.

Tinipon niya sila matapos ng tanyag na pagwawaging iyon at nagsabi sa kanila:

“O katipunan ng Quraysh, ano ang ipinagpapalagay ninyo na gagawin ko sa inyo?” Nagsabi sila: “Kapatid na marangal at anak ng kapatid na marangal.” Nagsabi siya: “Humayo kayo sapagkat kayo ay pinalaya na.” Nagpaumanhin siya sa kanila at nagbigay sa kanila ng kalayaan sa pagyakap ng Relihiyong Islām.

Kaya ito ay naging isang kadahilanan sa pagpasok ng mga tao sa Relihiyong Islām nang pulu-pulutong, saka umanib sa Islām ang Arabya sa kabuuan nito at pumasok sa relihiyong Islām.

Hindi lumipas ang isang maikling yugto ng panahon hanggang sa nagsagawa ng ḥajj ang Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) saka nagsagawa ng ḥajj kasama sa kanya ang 114,000 kabilang sa mga pumasok kamakailan sa Relihiyong Islām.

Tumindig siya na nagtatalumpati sa kanila sa araw ng malaking ḥajj, na naglilinaw sa kanila ng mga patakaran ng Relihiyon at mga batas ng Islām. Pagkatapos nagsabi siya sa kanila: “Marahil ako ay hindi makikipagkita sa inyo matapos ng taon kong ito. Pansinin, magpaabot ang nakadalo sa nakaliban.” Pagkatapos tumingin siya sa kanila saka nagsabi: “Pansinin, nagpaabot kaya ako?” Kaya nagsabi ang mga tao: “Opo.” Kaya nagsabi siya: “O Allāh, sumaksi Ka. Pansinin, nagpaabot kaya ako?” Kaya nagsabi ang mga tao: “Opo.” Kaya nagsabi siya: “O Allāh, sumaksi Ka.”

Pagkatapos bumalik ang Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) sa Madīnah matapos ng ḥajj. Nagtalumpati siya sa mga tao isang araw. Nagsabi siya sa kanila: “Tunay na may isang lingkod na pinapili ni Allāh sa pagitan ng pamamalagi sa Mundo o ng nasa kay Allāh saka pinili niya ang nasa kay Allāh.” Umiyak ang mga Kasamahan at nalaman nila na siya ay tumutukoy sa sarili niya at na siya ay nalapit na sa paglipat niya mula sa pangmundong buhay. Sa araw ng Lunes ng ikalabindalawa ng ikatlong buwang panghijrah ng ikalabing-isang taon mula ng paglikas, tumindi ang karamdaman sa Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) at nagsimula sa kanya ang mga hapdi ng kamatayan. Tumingin siya sa mga Kasamahan niya nang tingin ng pamamaalam. Nagtagubilin siya sa kanila ng pangangalaga sa pagdarasal. Isinuko niya ang espiritu niyang marangal at lumipat siya sa Pinakamataas na Kasama.

Nagulantang ang mga Kasamahan (ang lugod ni Allāh ay sumakanila) sa pagpanaw ng Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) at sumidhi sa kanila ang lungkot at ang kahapisan sa kasidhian nito. Nakaapekto sa kanila ang dalamhati nang labis na epekto hanggang sa ang isa sa kanila, si `Umar bin Al-Khaṭṭāb (malugod si Allāh sa kanya), ay tumindig nang nakahugot ang tabak nito dahil sa hilakbot ng pagkabigla, habang nagsasabi: “Hindi ako makaririnig sa isa man na nagsasabing namatay ang Sugo ni Allāh malibang tatagain ko ang leeg niya!”

Kaya tumindig si Abū Bakr Aṣ-Ṣiddīq na nagpapaalaala rito ng sabi ni Allāh (napakataas Siya):

{Walang iba si Muḥammad kundi isang Sugo, na nakalipas na bago pa niya ang mga sugo. Kaya ba kung namatay siya o napatay siya ay uuwi kayo sa mga pinagdaanan ninyo? Ang sinumang babalik sa pinagdaanan niya ay hindi siya makapipinsala kay Allāh ng anuman. Gaganti si Allāh sa mga tagapagpasalamat.}

(Qur’ān 3:144)

Kaya noong narinig ni `Umar ang talatang ito, kaagad siyang bumagsak nang walang-malay.

Ito si Muḥammad, ang Sugo ni Allāh, ang Pangwakas sa mga Propeta at mga Isinugo. Ipinadala siya ni Allāh sa mga tao sa kalahatan bilang mapagbalita ng nakagagalak at bilang mapagbabala. Naipaabot niya ang pasugo, nagampanan niya ang ipinagkatiwala, at napayuhan niya ang Kalipunan.

Nag-alalay sa kanya si Allāh sa pamamagitan ng Marangal na Qur’ān, ang salita ni Allāh na pinababa mula sa langit na:

{Hindi pumupunta rito ang kabulaanan mula sa harapan nito ni mula sa likuran nito. [Ito ay] isang pagbababa mula sa Marunong, Kapuri-puri.}

(Qur’ān 41:42)

Kung sakaling nagtipon ang mga tao mula sa simula ng Mundo hanggang sa wakas nito para maglahad ng tulad ng Qur’ān, hindi sila makapaglalahad ng tulad nito at kahit pa ang iba sa kanila para sa iba pa ay naging mapagtaguyod.

Nagsabi si Allāh (napakataas Siya):

{O mga tao, sumamba kayo sa Panginoon ninyo na lumikha sa inyo at sa mga nauna pa sa inyo, nang sa gayon kayo ay mangingilag magkasala,

na gumawa para sa inyo ng lupa bilang himlayan at ng langit bilang silong, at nagpababa mula sa langit ng tubig kaya nagpalabas Siya sa pamamagitan nito ng mga bunga bilang panustos para sa inyo. Kaya huwag kayong gumawa para kay Allāh ng mga kaagaw samantalang kayo ay nakaaalam.

Kung kayo ay nasa isang pag-aalinlangan sa ibinaba Namin sa Lingkod Namin, maglahad kayo ng isang kabanata kabilang sa tulad nito at tumawag kayo ng mga saksi ninyo bukod pa kay Allāh kung kayo ay mga tapat.

Ngunit kung hindi kayo nakagawa – at hindi kayo makagagawa – ay mangilag kayo sa Apoy na ang panggatong nito ay ang mga tao at ang mga bato. Inihanda ito para sa mga tagatangging sumampalataya.

Magbalita ka ng nakagagalak sa mga sumampalataya at gumawa ng mga maayos na ukol sa kanila ay mga Hardin na dumadaloy mula sa ilalim ng mga ito ang mga ilog. Sa tuwing tinutustusan sila mula sa mga ito ng bunga bilang panustos ay nagsasabi sila: “Ito ay ang itinustos sa amin bago pa niyan.” Bibigyan sila nito na nagkakawangisan. Ukol sa kanila roon ay mga asawang dinalisay at sila ay doon mga mananatili.}

(Qur’an 2:21-25)

Ang Qur’ān na ito ay binubuo ng 114 kabanata, na sa mga ito ay may higit sa 6,000 talata. Si Allāh ay humahamon sa mga tao sa paglipas ng mga panahon na maglahad sila ng iisang kabanata na kabilang sa tulad ng mga kabanata ng Qur’ān. Ang pinakamaikling kabanata sa Qur’ān ay binubuo ng tatlong talata lamang.

Kung sakaling nakakaya sila niyon, malalaman nila na ang Qur’ān na ito ay hindi mula sa ganang kay Allāh. Ito ay kabilang sa pinakadakila sa mga himala na ipinang-alalay ni Allāh sa Sugo Niya (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) gaya ng pag-alalay sa kanya ni Allāh ng mga iba pang himalang labas sa karaniwan. Kabilang sa mga ito:

E. Ang Pag-alalay sa Propeta (Basbasan Siya ni Allāh at Pangalagaan) sa Pamamagitan ng mga Himala:

1. Na siya noon ay dumalangin kay Allāh at naglagay ng kamay niya sa lalagyan saka bumukal ang tubig mula sa pagitan ng mga daliri niya at uminom ang hukbo mula sa tubig na ito at ang bilang ng hukbo ay humigit sa isang libo.

2. Na siya noon ay dumalangin kay Allāh at naglagay ng kamay niya sa pagkain saka dumami ang pagkain sa bandeha hanggang sa nakakain mula rito ang 1,500 Kasamahan.

3. Na siya noon ay nag-angat ng mga kamay niya sa langit habang dumadalangin kay Allāh na magpababa ng ulan saka hindi siya humiwalay sa kinalalagyan niya hanggang sa nagbagsakan ang tubig mula sa mukha niyang marangal dahil sa epekto ng ulan. Mayroon pang maraming ibang himala.

Umalalay sa kanya si Allāh sa pamamagitan ng pag-iingat sa kanya kaya walang nakararating sa kanya na isa man kabilang sa nagnanais na pumatay sa kanya at umapula sa liwanag na inihatid niya mula sa ganang kay Allāh gaya ng nasaad sa sabi ni Allāh:

{O Sugo, magpaabot ka ng pinababa sa iyo mula sa Panginoon mo. Kung hindi mo gag̶̶awin ay hindi ka nagpapaaabot ng pasugo Niya. Si Allāh ay magsasanggalang sa iyo sa mga tao.}

(Qur’ān 5:67)

Talaga ngang ang Sugo ni Allāh (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan), kalakip ng pag-alalay ni Allāh sa kanya, ay naging isang magandang tinutuluran sa lahat ng mga ginagawa niya at mga sinasabi niya. Siya noon ay ang kauna-unahang tagapagpatupad sa mga utos na nagbababaan mula kay Allāh. Siya noon ay ang pinakamasigasig sa mga tao sa paggawa ng mga pagsamba at mga pagtalima at ang pinakamapagbigay sa mga tao. Walang natitira sa kamay niya na anuman mula sa yaman malibang ginugugol niya sa landas ni Allāh sa mga dukha, mga maralita, at mga nangangailangan; bagkus pati na ang pamana. Nagsabi siya sa mga Kasamahan niya:

“Tunay na kaming katipunan ng mga propeta ay hindi nagpapamana; ang anumang iniwan namin ay kawanggawa.”[2]

[2] Ang ḥadīth ay itinala ni Imām Aḥmad (2/463). Ang kawing ng pagpapaabot nito ay tumpak gaya ng binanggit ni Aḥmad Shākir sa pagsisiyasat niya sa Musnad (19/92): “Hindi maghahati-hati ang mga tagapagmana ko sa isang dinar. Ang maiiwan ko matapos ng panggugol ng mga maybahay ko at upa sa manggagawa ko, ito ay kawanggawa.”

Hinggil naman sa mga kaasalan niya, walang nakaabot sa mga ito na isa man. Walang nakasama sa kanya na isa man malibang umibig ito sa kanya mula sa kaibuturan ng puso nito. Kaya naman ang Sugo ni Allāh (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) ay nagiging pinakainiibig sa kanya kaysa sa anak niya, sa magulang niya, at sa mga tao sa kalahatan.

Nagsasabi si Anas bin Mālik, ang tagapagsilbi ng Sugo ni Allāh (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan): “Hindi ako nakasaling ng isang palad na higit na kaaya-aya ni higit na malambot ni higit na kaaya-aya sa bango kaysa sa palad ng Sugo ni Allāh. Talaga ngang nagsilbi ako sa kanya nang sampung taon ngunit hindi siya nakapagsabi sa akin dahil sa isang bagay na ginawa ko kung bakit ko ginawa iyon ni dahil sa isang bagay na hindi ko ginawa kung bakit hindi ko ginawa iyon.”[3]

[3] Nagtala nito si Imām Al-Bukhārīy (4/230).

Iyan si Muḥammad, ang Sugo ni Allāh, na pinataas ni Allāh ang kahalagahan niya at inangat ang pagbanggit sa kanya sa mga nilalang sapagkat walang nababanggit na tao sa kairalan sa ngayon at bago ngayon gaya ng pagkakabanggit sa kanya. Magmula isang libo at apat na raang taon, may milyun-milyong minaret sa mga dako ng mundo na “sumisigaw” sa bawat araw nang limang ulit sa pagsasabi ng mga ito na: “Sumasaksi ako na si Muḥammad ay Sugo ni Allāh.” Daan-daang milyon ng mga nagdarasal ay nag-uulit-ulit sa mga dasal nila araw-araw nang sampu-sampung ulit na: “Sumasaksi ako na si Muḥammad ay Sugo ni Allāh.”

F. Ang Mararangal na Kasamahan

Dinala ng mararangal na Kasamahan ang paanyaya ng Islām matapos ng pagpanaw ng Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan). Humayo sila kalakip nito sa mga silangan ng lupa at mga kanluran nito. Sila noon sa totoo ay pinakamainam sa mga tagapag-anyaya para sa relihiyong ito sapagkat sila noon ay ang pinakatapat sa mga tao sa pananalita, ang pinakadakila sa kanila sa katarungan, ang pinakamarami sa kanila sa [katangian ng] pagkamapagkakatiwalaan, at ang pinakamasigasig sa kanila sa kapatnubayan ng mga tao at pagpapalaganap ng kabutihan sa gitna ng mga ito.

Nagsakaasalan sila ng mga kaasalan ng mga propeta at tumulad sila sa mga katangian ng mga ito. Ang mga kaasalang ito ay nagkaroon ng hayag na epekto ng mga ito sa pagtanggap ng mga bansa sa Mundo sa Relihiyong ito. Kaya naman pumasok ang mga iyon nang magkasunuran sa Relihiyon ni Allāh nang pulu-pulutong mula sa kanluran ng Afrika hanggang sa silangan ng Asya hanggang sa gitna ng Europa dahil sa pagkaibig ng mga iyon sa Relihiyong ito nang walang pamumuwersa o pamimilit.

Tunay na sila ay ang mga Kasamahan ng Sugo ni Allāh, ang pinakamainam sa mga tao matapos ng mga propeta. Ang pinakatanyag sa kanila ay ang apat na matinong khalīfah na namahala sa Estado ng Islām matapos ng pagpanaw ng Sugo (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan). Sila ay sina:

1. Abū Bakr Aṣ-Ṣiddīq,

2. `Umar bin Al-Khaṭṭāb,

3. `Uthmān bin `Affān, at

4. `Alīy bin Abī Ṭālib.

Nakararamdam ang mga Muslim tungo sa kanila ng bawat utang na loob at paggalang. Nagpapakalapit-loob ang mga Muslim kay Allāh (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) sa pamamagitan ng pag-ibig sa Sugo Niya at pag-ibig sa mga Kasamahan ng Sugo Niya na mga lalaki at mga babae. Nagpipitagan sa kanila ang mga ito, nagdadakila sa kanila ang mga ito, at nagluluklok sa kanila ang mga ito sa kalagayan nila na naaangkop sa kanila.

Walang nasusuklam sa kanila at walang nagmamaliit sa halaga nila maliban sa sinumang isang tagatangging sumampalataya sa Relihiyong Islām, kahit pa man nag-angkin siya na siya ay isang Muslim. Nagbunyi si Allāh sa kanila sa sabi Niya:

{Kayo ay pinakamabuting kalipunang pinalabas para sa mga tao. Nag-uutos kayo ng nakabubuti, sumasaway kayo ng nakasasama, at sumasampalataya kayo kay Allāh.}

(Qur’ān 3:110)

Nagpatibay si Allāh ng pagkalugod Niya sa kanila nang nangako sila ng katapatan sa Sugo Niya (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan) sapagkat nagsabi Siya (kaluwalhatian sa Kanya):

{Talaga ngang nalugod si Allāh sa mga mananampalataya noong nangangako sila ng katapatan sa iyo sa ilalim ng punong-kahoy sapagkat nakaalam Siya sa nasa mga puso nila kaya naman nagpababa Siya ng katiwasayan sa kanila at gumantimpala Siya sa kanila ng isang pagpapawaging malapit,}

(Qur’ān 48:18)

About The Author